Ang Teleserye ng Buhay Ko, ng Buhay Mo at ng Buhay Nating Lahat!

WARNING:
Mahaba ito. So magpanggap na lang na nagkaamnesia na parang wala kang nabasa and move on. Chos. Haha

Well actually sanay naman akong nakakabasa ng ganitong article:

10 Drama Clichés That Makes Watching Pinoy TV An Utter Joke.

And it is actually… er cliché na rin! Haha kasi marami na nga akez nabasa. (Like here. And here. Dito rin. Meron pa te!) Shet. Parang pakiramdam ko isang bidang inaapi si teleserye! Hindi pwede ito, wala bang magtatanggol sa kaniya? Haha  Anyway I passed this paper nung nag-e-MA pa ako.. and that was three years ago kaya medyo luma ang mga reference na soaps dito. :p 

Teleserye Republic

Soap opera speaks to millions of individual and mirrors aspects of their lives back to them.

–       Dorothy Hobson

Umamin ka. Nasubaybayan mo ang Mara Clara no at nanonood ka ngayon ng Munting Heredera. Kung hindi ka man fan ng nasabing mga teleserye, paniguradong minsan sa buhay mo ay nakasilip ka na kahit isang episode man lang ng kahit anong soap opera na umere sa telebisyon. Maaaring biktima ka lamang ng iyong adik na nanay na may kapangyarihan sa remote na sa tuwing nakatutok siya sa kaniyang paboritong soap opera ay wala ka nang magagawa. Pwede rin namang tunay na tagasubaybay ka ng nasabing genre at hindi makumple-kumpleto ang iyong gabi kung hindi ka makanonood ng primetime bida. O baka napamura ka siguro kung paano nito unti-unting binobobo ang kaniyang manononood o maaaring namangha sa kakayahan nitong magbigay inspirasyon sa mga tagasubaybay na tila nawawalan na ng pag-asa. Kaya naman maihahambing ko ang teleserye kay Kris Aquino, na isinusumpa nang sobra-sobra o di kaya’y tunay namang minamahal at kinagigiliwan. Kahit ano pa man ang iyong pananaw sa teleserye, hindi maikakailang malaki ang epekto at impluwensiya nito sa atin, mapa-positibo man o negatibo.

Ayon sa datos ng AGB Nielsen Philippines noong taong 2006, 95% ang kinokober ng kanilang National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) sa lahat ng mga urban area sa Pilipinas na may humigit kumulang na 34 milyong katao ang populasyon. Base rin sa tantiya ng Nielsen noong 2008, 92 – 95% Pilipino naman ang naaabot ng telebisyon. Nangangahulugan lamang na ganoon karaming Pilipino ang nanunood ng telebisyon at ganoon kalawak ang kapangyarihan ng nasabing medium. Kung pagbabasehan naman ang mga umeereng palabas ngayon mula sa dalawang pangunahing network sa bansa (ABS-CBN 2 at GMA 7) habang isinusulat ang akdang ito (Setyembre 2011), apat hanggang sa limang oras ang nilalaan kada halos 20 oras na broadcast para sa teleserye na mapapanood mula hapon hanggang gabi. Walong teleserye ang ipinapalabas sa GMA 7, anim naman ang sa ABS-CBN 2 at dalawa ang sa TV 5. Hindi pa kasama sa bilang ang mga seryeng pinapalabas na inangkat mula sa ibang bansa gaya ng mga Koreanovela (Korean series) at Chinovela (Taiwanese o Chinese series). Makikita rin sa mga datos ng ratings na pinapadala ng dalawang media research companies na AGB Nielsen at TNS Kantar Media sa mga lathlahain na mga teleserye ang pinakapinapanood ng mga Pilipino. At sa halos limang oras na ineere ang mga teleserye sa milyong-milyong Pilipino, hindi ba’t angkop na sandata ito para magkaroon ng isang malawakang rebolusyon pagdating sa unti-unting paghubog ng mindset ng manonood?

Ang telebisyon ay ang medium na may kakayahang abutin ang napakaraming tao. Dahil sa dami at lawak ng nararating ng mga signal ng telebisyon, napakalaki ng potensiyal nitong maka-impluwensiya ng manonood. TV nga ang nagdidikta kung ano ang pinakamagandang sabon para pumuti ang labada o kung bakit mas maganda ang may maputing kutis kumpara sa kayumanggi. Pati nga kung sino ang dapat ibotong presidente sa eleksiyon naididikta na rin ng TV. Minsan, sa TV rin natin napupulot ang ibang mga bagay na hindi natin kadalasan nakukuha mula sa bahay o paaralan dahil sabi nga nina Michael Petracca at Madeleine Sorapure sa libro nilang Common Culture (1998), ang pinakalubos na benepisyo ng telebisyon ay ang potensiyal nitong palawakin ang ating mga karanasan sa mga lugar na hindi pa natin napupuntahan, sa mga taong hindi nating inaakalang makikilala at sa mga ideyang hindi bukas sa karamihan. Ang isa nga sa mga halimbawa ng impluwensiya ng telebisyon ay ang pagsilang ng salitang ‘teleserye’.

Ano nga ba kasi ang Teleserye?

Bago tawaging teleserye ang mga kuwentong sinusubaybayan natin gabi-gabi ay mas kilala ng mga Pilipino ang mga ito bilang mga soap opera o telenovela. Mula sa mga dramang pinakikinggan sa radyo na nagpaiyak sa mga nakikinig, tumawid naman ito sa telebisyon noong dekada 50s. Simula noon unti-unting namayagpag ang mga soap opera sa tahanan ng mga Pilipino. Ngunit taong 2000 lamang noong isinilang ang salitang teleserye nang inilunsad noon ng ABS-CBN ang programang Pangako Sa’yo. Nagmula ang salitang teleserye sa mga pinagsamang Tagalog na salitang ‘tele’ (pinaigsing telebisyon) at ‘serye’ (series). Kahit na nanganak na rin ng iba’t-ibang katawagan ang teleserye habang lumilikha ang mga istasyon ng telebisyon ng kani-kanilang mga sariling bersyon[1] at bumubuo ng ibang katawagan base sa genre[2], tumatak na ang salitang teleserye bilang tawag sa mga makabagong soap opera na ineere sa ating bansa ngayon.

Bilang manunulat sa nasabing genre, sasang-ayunan ko ang depinisyong nilathala sa pahina ng Wikipedia (oh wag magreact na galing lang sa Wiki! May chika si Maria Ressa about diyan! haha defensive levels!) sa internet na nagpapakahulugan sa teleserye.

“Teleserye is a form of melodramatic serialized fiction. Teleseryes share some characteristics and have similar roots with classic soap operas and telenovelas, yet the teleserye has evolved into a genre with its own unique characteristics, often working as a reflection of the social realism of the Filipinos. Teleseryes are aired in primetime (at daytime) five days a week, and often [having] replays during weekends. They attract a broad audience which crosses age and gender lines, and they command the highest advertising rates in Philippine television. They last anywhere from three months to a year, or even longer, depending on it’s ratings.”

Kilala ang mga teleserye sa mga makabagbag damdaming kuwento na kadalasang umiikot sa pag-ibig at drama sa pamilya na pinapalabas sa hapon at gabi mula Lunes hanggang Biyernes. Sumasabay din ito sa kung ano ang panlasa ng mga manonood, kung ano ang mauuso at kung dapat na bang tapusin ito dahil ang tagasubaybay pa rin naman ang mamimili kung anong panonoorin kaya sila pa rin ang may kapangyarihan para idetermina kung magwawagi o matatalo ang isang programa (Richard Adler 1976). Mga teleserye ang banner programs ng mga network dahil ito ang mga mapapanood sa audience rich primetime. Ang primetime ay ang mga oras (6:00 pm hanggang 10:30 pm) na kung saan maraming nanonood ng telebisyon. Ito rin ang mga oras kung saan nakakakuha ng matataas na advertising revenues, o kita mula sa mga palatastas ang mga network.

Why so serious?

Ngunit sa kabila ng laki ng impluwensiya nito bakit hindi magawang seryosohin ang kakayahan ng teleserye para humubog ng isip ng mga manonood?

Sa panimulang ito, dalawa ang dahilang tatalakayin sa usapin kung bakit hindi magawang seryosohin ang kapangyarihan ng teleserye at ito ang mga sumusunod:

  1. Ang teleserye ay isang produkto na ginagawa ng mga TV network para lamang kumita at hindi para linangin ang kaisipan ng mga manonood.
  2. Dahil sa ginawa ang teleserye para kumita, nasasakripisyo ang artistic value nito na hindi nakatutulong para mamulat at mag-isip ang mga audience.

Ang pinakakritiko kasi sa telebisyon ay ang pagiging kapitalista ng mga network. Sabi nga ni Janet Tauro sa kaniyang artikulong “Telenovela, Anime Transform Landscape of Philippine TV”, Ang TV sa ating bansa ay patungkol lamang sa pera at ang industriya ay nagpapakadalubhasa sa teknik ng paggawa ng mga programang bebenta. Dagdag pa ni Tauro:

Public discourse about television remains nil, and TV is receiving little scholarly attention despite its potential yield for both linguistics and cultural studies. TV and its modes of translation are being sneered at by scholars and treated as a set of techniques or skills that needs to be practiced rather than as a discipline or field that needs to be studied and developed. The TV industry spends millions of pesos on research, true. But its focus, however, is not on television studies but on audience preference and ratings. Philippine TV after all has been and is still privately owned and controlled as a profitable commercial enterprise. The academic community and industry alike view the medium and its communication system only as a televisual representation technique.

Ang tingin ng mga kritiko sa telebisyon ay isang factory na gumagawa ng mga produktong paniguradong kakagatin ng masa ngunit kapos sa laman at kalidad na kung ikukumpara sa pagkain, naghahain sila ng mga putaheng mukhang masarap pero wala namang sustansiya. Sumasang-ayon naman dito si Adler dahil ang TV raw ay hindi isang art form kung hindi isang negosyo na ang layunin lamang ay ibenta ang mga manonood sa mga advertisers. At sa katunayan, ito nga ang layunin ng mga network kaya sila gumagawa at nagpapalabas ng mga teleserye, para makaengganiyo ng mga manonood at kumita mula sa mga advertisers.

Upang kumita, kailangan ng teleserye ang siguradong sangkap na huhuli sa mga manonood. Kaya ang mga teleserye ay produktong mainstream na umaasa sa formula kung saan ang mga kuwento ay inaasahang magbibigay ng mataas na ratings pero minsan, nawawalan naman ng pansin sa nilalaman. Napansin ito ni John Cawelti at sinabing:

“Formulaic works necessarily stress intense and immediate kinds of excitement and gratification as opposed to the more complete and ambiguous analyses of character and motivation that characterize mimetic literature… formulaic works stress action and plot.”

Sa teleserye, meron lang dalawang tauhan: ang puti at itim. Malinaw ang bida na magpapakita ng kabutihan sa kabila nang sukdulang pang-aapi ng itim, o ng kontrabida na saksakan naman nang sama. Pinupuna rin ang pagiging paulit-ulit ng kuwento ng mga teleserye at napupulaan na wala ng bago sa mga ito. Ngunit sa kabila ng mga punang ito, patuloy pa rin ang pagtangkilik ng mga manonood at patuloy pa rin ang pagyaman ng mga network. Ang sabi pa ni Adler, isang cultural wasteland ang TV at hindi dapat pagtuunan ng pansin. Nabanggit din ng propesor at manunulat na si Jun Cruz Reyes na ginawa ang mga teleserye para sa mga manonood na may pang-grade five na IQ. Mas pinatatutunayan nito na ang telebisyon ay dapat ngang tawaging idiot box.

Naging kakambal na ng komersiyalismo ang pagkakaroon ng mababang artistic value bilang bahagi ng pop culture. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi rin pinagtutuunan ng seryosong pansin ang nasabing genre. Bilang isang sikat na sikat na pop culture, tinataasan ng kilay ang teleserye. Ang pop o popular culture ayon kina Gilda Fernando at M.G. Chavez ay kung ano ang tanggap ng nakararami na nagmula sa mga impluwensiya ng teknolohiya at mass media gaya ng print, radyo, telebisyon at pelikula kaya madaling makilala ng masa. Kapansinpansin din na kaya madalas mapuna ang mga kuwento ng teleserye ay dahil diumano sa pagkopya ng mga istorya mula sa ibang bansa gaya na lamang ng mga punang nakuha ng mga teleseryeng Sana Maulit Muli na mula raw sa pelikulang If Only, ang Imortal na ang inspirasyon daw ay Twilight (OF COURSE NOT! Bwahaha sorry hindi ko mapigilang magreact) at ang Lord of the Rings naman ang sa Encantadia. Kung sina Fernando at Chavez (2001) ang tatanungin, ang pangongopya na nga ang pinaka eksaktong depinisyon ng Pinoy pop culture dahil sabi nga nila ang Pinoy pop ay laging gaya. Hindi nga ba’t ang pangunahing impluwensiya ng mga teleserye ay ang telenovela ng Mexico? Noong kasagsagan ng Marimar at Rosalinda, ang mga telenovela ang batayan ng mga teleserye sa ating bansa at nang sumikat naman ang mga Koreanovela, ito na ang naging panibagong batayan. Hanggang sa nauso na rin ang direktang panggagaya sa mga ito o ang pag-fra-franchise. Kung dati ay binobosesan sa Filipino ang mga dayuhang soap opera, ngayon binibili na ng mga network ang rights ng mga palabas upang gumawa ng localized version gaya na lamang ng umeere ngayon sa ABS-CBN 2 na Nasaan Ka, Elisa mula sa Columbian soap na Donde Esta, Elisa?. Sikat din ngayon sa telebisyon ang mga remake kung saan muling binubuhay ang mga kuwentong mula sa mga lumang soap opera, pelikula at komiks gaya na lamang ng paparating na Ikaw Lang Ang Mamahalin sa GMA 7 na mula sa lumang teleserye na pinalabas noong 2001. Sinasabi tuloy ng mga kritiko na nasaan na raw ba ang originality at tinatamad na raw bang mag-isip ang mga manunulat sa teleserye at nauuso tuloy ang mga remake. Mas lalo tuloy napapatotohanan ang sinulat ni Miege (1989) na ang mga bansang Third World ang tunay na importers ng mga cultural commodities. Mas mura kasi ang pagbili ng mga gawang serye sa ibang bansa at ang ibig sabihin noon ay mas malaking kita kung sakaling pumatok ang mga biniling palabas sa Pilipinas.

The Teleserye Revolution

Pero bakit nga ba hindi ito seryosohin? May mga mabibigat bang rason kung bakit karapat-dapat seryosohin ang teleserye? Sa totoo lang sa lawak ng naaabot nito dahil naipapalabas din ang mga teleserye sa ibang bansa[3] may potensiyal itong mag-ignite ng rebolusyon gaya ng mga sumusunod:

  1. Intellectual Revolution.
  2. Cultural Revolution.
  3. Empowerment.

Intellectual Revolution

Ang sabi nga nina Petracca at Sorapure, hinuhubog ng mass media ang ating mga ideya at maging ang ating pag-uugali. Gaya ng pamilya, kaibigan at paaralan, parte ang pop culture(na kung saan nabibilang din ang teleserye) sa learning environment. Ang rebolusyon na aking minumungkahi ay ang rebolusiyon ng pag-iisip na ang mga teleserye ay ginawa para magamit ang mga utak ng mga sinasabing grade five minded at iba pang manonood. Muli kong babanggitin sina Petracca at Sorapure dahil sa nabanggit nila ito sa kanilang akdang “Common Culture”:

Even if popular culture is merely low-quality amusement (na sinasabing kaso ng teleserye) or a means of escaping the demands of the “real” world, it delivers important messages that we may internalize and later act on – for better or for worse.

Maaaring maging behikulo ang teleserye upang maiparating sa mga manonood nito ang mahahalagang mensahe na nais ipabatid. Isang halimbawa nito ay ang ginawa sa teleseryeng Reputasyon na kung saan tinalakay ang Reproductive Health (RH) Bill sa pamamagitan ng pagpasok nito bilang paksa sa debate ng dalawang magkatunggali sa pagkagubernador na sina Catherine (Aiko Melendez) at ni Mang Jose (Lito Pimentel). Sa kuwento, ang kontrabidang si Catherine ay Pro-RH Bill at ang bida namang si Mang Jose ay Anti-RH Bill. Maaaring magkaroon dito ng diskurso lalo na kung Pro-RH ka, na kung bakit sa kontrabida binigay ang paniniwalang iyon at hindi sa bida, nagmumukha tuloy pinapasama ang pagsang-ayon dito. Ano man ang posisyon, ang mahalaga, may nag-ugat na makabuhulang diskusyon mula sa teleseryeng napanood. Ito ang sinasabi ni Dorothy Hobson (2003) na strength ng soap opera na it constantly changes to reflect the reality on which its stories are based. Kung ano ang napapanahong isyu, maaaring maipasok ito ng mga manunulat sa binubuo nilang teleserye. Sa kabila ng tila eksaharadong pagpapakita ng tunay na buhay, masasabing ang teleserye pa rin ang salamin ng buhay ng mga Pilipino na pinupunto rin naman ni Tania Modleski:

“In spite of the fact that soap operas contain more references to social problems than do most other forms of mass entertainment, critics tend to fault them heavily for their lack of social realism.”

Mga problema ng magsasaka sa hacienda ang pinasilip sa pilot week ng Pangako Sa’yo. Kahirapan, prostitution, corruption at homosexuality… naging sangkap na ang mga iyan ng teleserye.

Ang mga gasgas at paulit-ulit na kuwento ang isa sa mga dahilan kung bakit sukang-suka ang mga kritiko ng mga teleserye. Laging puna ito at nagiging basehan din kung bakit nasasabing binobobo ng mga teleserye ang manonood. Puno rin ng stereotype characters ang mga teleserye gaya na lamang ng masamang pulitiko, martir na bida, mayamang matapobre, mabait na nanay at marami pang iba. Ngunit ang mga stereotype at mga familiarity sa plot ng teleserye ang dahilan kaya mas epektibo nitong naihahatid ang mga mensahe sa manonood. Kinakailangan kasing maging bahagi ng tahanan ng mga Pilipino ang mga tauhan sa teleserye. Kailangan makilala ng manonood ang mga karakter ng lubusan, na tipong kapamilya o matalik na kaibigan na ang turing nila sa mga bida upang subaybayan nila ang bawat hinagpis o tagumpay ng mga ito. Ang sabi nga ni Hobson (2003), soap opera characters can never be stereotypes, because we know them too well. Sasakyan mo ba ang problema ng taong hindi mo kilala? Pero siguradong mamromroblema ka kung may bumabagabag sa iyong kapamilya o kaibigan. Kaya naman kung hindi matuklasan na si Jennifer ang heredera sa Munting Heredera at kung hindi matapos ni Anna Manalastas ang misyon niya sa 100 Days To Heaven, hindi rin matahimik ang manonood. Ngunit sa kabila ng laki ng kanilang problema at tila malayo sa katotohanan ang mga suliranin sa buhay gaya na lamang nina Anna at Amaya, sinusubaybayan sila ng mga manonood dahil nakakarelate sila sa mga ito emotionally. Dapat ang mga karakter na ito ay merong mga katangiang mula sa ating mga sarili, o mula sa ating mga kakilala, para makakonek sa mga manonood (Hobson, 2003).

Cultural Revolution

Matapos sumikat ang mga latino sa telebisyon ng mga Pinoy, sinundan naman ito ng mga singkit. Noong 2003, namayagpag sa TV ang seryeng nagmula pa sa Taiwan na Meteor Garden nang ipalabas ito ng ABS-CBN. Simula noon, nagkasunod-sunod na ang mga palabas sa local TV na nagmula sa South Asia, partikular na sa bansang South Korea. Sa paningin ng mga Pilipino, bagong-bago ang mga tema sa mga Koreanovela na umiikot din naman ang mga kuwento sa pag-ibig at pamilya. Marahil ay napukaw sila ng mga ito dahil malayong-malayo ang mga Koreanovela sa mga makabagbag damdaming telenovela na kanilang pinapanood dahil kadalasan magaan ang atake sa mga problema. Kapansin-pansin ding bumibida sa kanilang mga serye ang mga magagandang tanawin sa kanilang bansa. May mga kuwento rin silang kapupulutan ng kanilang tradisyon at kasaysayan gaya na lamang ng Queen Seon Deok at Jewel in the Palace. Dahil dito, tinamaan din ang Pilipinas ng Korean Wave o ng K-pop (Korean) Phenomenon, na tipong kahit hindi maintindihan ang lyrics ng kantang Koreano ay sinasabayan ng indak at lipsynch sa radyo. Naging hit ang may tatak Korea sa bansa, mapa-palabas man, kanta, artista, pagkain, restoran at pelikula. Ito ang nagawa ng Koreanovela sa bansang Pilipinas.

Ngunit nagawa na rin ng ating sariling teleserye ito. Tinilian sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa sa kanilang tambalan sa Pangako Sa’yo sa iba’t-ibang bansa sa Southeast Asia matapos nilang pakiligin ang buong Pilipinas noong 2000. Ang sabi nga ng head ng International Sales and Distribution ng ABS-CBN na si Reena de Guzman mula sa interbyu ng Manila Bulletin noong 2010, “Hindi lang pala mga Filipino ang kinikilig sa love story nila Jericho Rosales at Kristine Hermosa in ‘Pangako Sa ‘Yo,’ at naiiyak sa paghihiwalay nila Piolo Pascual at Angel Locsin sa teleserye nila, but also non-Filipinos. Nakakatuwa lang.” Nakatutuwa ngang isipin na kung baliw na baliw ang mga Pilipino sa Koreanovela, kinaaadikan din pala ng ibang lahi ang ating mga teleserye. Base sa artikulo ni Crispina Martinez-Belen sa nasabing diyaryo, namayagpag ito sa ratings sa mga bansang Malaysia, Indonesia, Singapore, Cambodia at sa Africa. Dagdag pa ni Belen, naging ikalawang pinaka-pinapanood na programa ito sa bansang China noong 2010 na nakakuha ng 1.3 bilyong manonood mula sa 2,000 channel sa nasabing bansa. Ako mismo nasaksihan ang kahiligan ng Malaysian sa nasabing serye nang mapanood ko sa TV ang singing contest na Ikon Asean. Sa sobrang kasikatan ng Pangako Sa’yo noon sa Malaysia, sinasabayan na nila si Vina Morales habang kinakanta nito ang theme song ng nasabing serye nang ganapin doon ang kontes. Nagbunga rin ng supling ang nasabing palabas sa Cambodia dahil ayon kay Nai Hiu Mei mula sa report pa rin ni Belen sa Manila Bulletin, “the teleserye, broadcasted here with Khmer dubbing, was so popular that many Cambodian babies were named Angelo[4]”. Binalita rin ni Meluse Kapatamoyo ng Times of Zambia na pinaguusapan daw talaga ang programa ng mga magkakapamilya, magkakaibigan at magkakapit-bahay kung paano matatapos ang teleserye at hindi rin naman nagpahuli si Rene Lotter ng One Africa Television na humiling pa na sana’y bigyan siya ng dolyar sa tuwing tinatanong daw siya kung kailan magtatapos ang Pangako Sa’yo. Ayon pa kay Lotter, tinatanong siya, mula bata hanggang matanda, mga kasambahay hanggang sa mga tax consultants, at tunay nga raw tumatak ang serye sa lahat ng kasarian na mula pa rin sa ulat ni Belen.

Hindi rin nagpahuli ang mga teleserye sa pag-ani ng mga papuri mula sa mga award giving body sa ibayong dagat. Noong 2008, unang pinakilala ang Best Telenovela category sa International Emmy Awards. Sa sumunod na taon, sunod-sunod na ang nomination sa I-Emmys ng ating mga teleserye at napansin ang mga programang Kahit Isang Saglit (2009), Magdusa Ka (2009), Dahil May Isang Ikaw (2010) at kasalukuyang nominated ang Precious Hearts Romances presents: Impostor (2011) sa prestihiyosong award. Hindi rin naman puro nomination ang nakukuha ng ating mga pambato dahil nanalo namang Best Telenovela noong 2009 sa BANFF World Television Festival ang teleseryeng Lobo at nanominate naman sa parehong kategorya sa BANFF 2011 ang remake ng Mara Clara. Napansin din ang fashion-seryeng Magkaribal at Dahil May Isang Ikaw ngayong 2011 nang sabay silang manominate sa Best Soap Opera category ng New York Festivals.

Nakikilala ng ibang bansa ang ating lahi at nagkakaroon ng mukha ang Pilipino na hindi lamang nastestereotype bilang mga kasambahay. Kung nagawa ng Korea na ibenta ang kanilang bansa gamit ang mga Koreanovela, maaari rin natin itong gawin sa pamamagitan ng ating mga teleserye. Magandang simula ang pagpapakita ng mukha ng Pilipinas bago ang mga dayuhan sa Amaya at bukod sa pakikipagsapalaran ni Amaya nasisilip din ang mga kulturang angkin ng bansa. Ang sabi nga ni Hobson patungkol sa British soap operas na repleksiyon din ng ating mga teleserye:

“…it is clear that soap opera have an important role in the representation of our national identity. They not only reflect our identity; they are part of the cultural artefacts which construct and shape the same.”

Empowerment

Ang teleserye ay kilalang genre ng mga babae o women’s genre dahil karamihan ng mga nanonood ng teleserye ay mga babae. Ginawa rin naman kasi ang mga soap opera para sa mga babaeng naiiwan sa bahay (Cantor and Pingree, 1983). Ang sabi nga ni Hobson, ang mga tauhang babae sa mga soap opera ay matatapang at isa ito sa pinakasikat na katangian ng soap opera. Sinasabi ni Modleski sa kaniyang akdang Soap Opera, Melodrama, and Women’s Anger na buhay na buhay ang kapangyarihan ng mga babae sa soap opera at ang iba’t-ibang mukha nito. Sa bansang kasama sa top ten pagdating sa gender equality rating, hindi na kataka-takang kitang-kita ang kalakasan ng mga babae sa ating mga teleserye. Ang mga dating bidang babaeng inaaapi ngayon ay mga palaban na.

Sa kabila ng tahanan daw ng mga stereotype ang mga teleserye, dito naman nagiging bida ang mga hindi rin naman pinapansin sa tunay na buhay gaya na lamang ng mga aeta. Naging bida na ang tauhang aeta sa mga teleseryeng Kirara, Anong Kulay ang Pag-ibig?, Daisy-siyete: Uling-ling at Nita Negrita. Nagiging bahagi na rin ang mga tauhang bakla sa mga soap opera at kung minsan ay nagiging pangunahing mga tauhan pa nga (Sad nung sinulat ko ito wala pang My Husband’s Lover!). Sinong makakalimot sa transgendered na si Lady Godiva na kaya pala hindi mahanap-hanap ni Princess ang ama dahil nagpa-sex change pala sa Basta’t Kasama Kita? O ang mga baklang kontrabida sa nagpapanggap na baklang si Tonya sa I Heart You, Pare!? Sa pamamagitan ng mga teleserye, maaaring bumida ang mga hindi binibida at maramdaman nilang sila’y may puwang pa rin sa kabila ng hindi pagpansin sa tunay na mundong ginagalawan.

Anong dapat gawin?

Napag-usapan na rin lamang ang kakayahan ng teleseryeng makapag-bigay ng rebolusyong intelektuwal, rebolusyong kultural at ng empowerment, ano na ngayon ang dapat gawin?

Sa pagsulat ng teleserye, magandang sundan din ang three paths na sinulat ni Ricardo Abad sa Sunday Inquirer Magazine noong 2003 patungkol sa paggaya ng Philippine theater sa broadway ng Amerika:

“The routes to a vigorous Philippine theater do not lie in mimickry and puppetry (which) constraints and inhibits Filipino creativity (at isyu rin naman ng mga teleserye). It lies instead in three (other) paths. The first (is) the appropriation of Western drama, making it come to terms with Filipino ethos. This does not mean a rejection of Western theater but a recontextualization of it (ang konsepto rin ng mga foreign remakes para ma-Filipinize).

“The second entails a more active mining of Philippine sources. Historical, anthropological and literary material may be used… the third route calls for fusion, in subject matter and style, between our cultural heritage and global culture.”

Dagdag pa ni Abad, sinisimulan na raw ng ilang mga Pilipino artists ang mga path. Makakatulong din kung susundan ang konteksto ng tatlong path sa pagsusulat ng teleserye lalo na ngayon na dinadala na rin sa ibang bansa ang ating mga palabas. Gamit ang nasabing mga path, gamitin din ang positibong kapangyarihan ng teleserye na hindi lang nang-aaliw, kundi nagmumulat din.

Posibleng magsama ang kita at kalidad kaya naman bakit hindi magsulat ng isang teleserye na maganda pero may potensiyal ding kumita at maging patok sa panlasa ng masa. Mapapaganda ang mga teleserye kung lalagyan ito ng mga rebolusyinaryong laman gaya ng intellectual revolution, cultural revolution at empowerment na kung tutuusin ay nakikita naman sa mga nasabing palabas. Oras na para ipakilala sa ibang bansa ang galing at ganda ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga teleserye. Oras na para unti-unting imulat ang mga manonood. Oras na para seryosohin ang teleserye at basagin ang kahong palabas lang ito para sa mga bobo. Oras na para baguhin ang tingin sa teleserye tungo sa mas ikaproporgreso nito. At oras na para simulan ang laban!

[1] GMA 7’s teledrama at TV5’s dramaserye

[2] i.e. Fantaserye at Telefantasya para sa mga teleseryeng pantasya, Sineserye at Sinenovela para sa mga teleserye na remake ng mga lumang pelikula

[3] Sa pamamagitan ng international channels na The Filipino Channel (TFC) na kung saan pinapalabas ang mga programa ng ABS-CBN at sa GMA Pinoy TV naman ang sa palabas ng GMA 7.

[4] Angelo ang pangalan ng karakter ni Jericho Rosales sa Pangako Sa’yo

REFERENCES

PRINT

BOOKS

Lana, Jun. “Pelikula at Letra”. Writing to the Future Poetika at Pulitika ng Malikhaing Pagsulat. Ed. Rolando B. Tolentino. Quezon City: Likhaan: UP Institute of Creative Writing, 2008. 149 – 152.

Manalo, Paolo. “Everything I Need to Know I Learn from Eat Bulaga”. Writing to the Future Poetika at Pulitika ng Malikhaing Pagsulat. Ed. Rolando B. Tolentino. Quezon City: Likhaan: UP Institute of Creative Writing, 2008. 171 – 176.

Epstein, Alex. Crafty TV Writing: Thinking Inside the Box. New York: Henry Holt and Company, LLC, 2006

Hobson, Dorothy. Soap Opera. London: Polity Press, 2005

Villanueva, Rene. Personal: Mga Sanaysay sa Lupalop ng Gunita. Philippines: Anvil, 2004

Fernando, Gilda and Chaves, M.G. Pinoy Pop Culture. Philippines: Bench/Suyen Corp, 2001

Petracca, Micheal and Sorapure, Madeleine. Common Culture: Reading and Writing About American Popular Culture. New Jersey: Prentice Hall, Inc., 1998

Harris, Joseph and Rosen, Jay. Media Journal: Reading and Writing About Popular Culture. USA: Allyn and Bacon, 1995

Reeves, Geoffrey. Communications and the “Third World”. USA, Canada, UK: Routledge, 1993

Cantor, Muriel, G. and Pingree, Suzanne. The Soap Opera. USA: Sage Publications, 1983

Collins, Jim. Uncommon Cultures: Popular Culture and Post Modernism. USA: Routledge, 1989

Adler, Richard. “Introduction: A Context for Criticism”. Television as a Cultural Force. Ed. Cater, Douglas, New York: Praeger Publisher, 1976

Cawalti, John. Adventure, Mystery, and Romance.Chicago, 1976

ONLINE

NEWSPAPERS

Martinez – Belen, Crispina. “ABS-CBN Soap Operas now Captivating Non-Filipinos Worldwide” Manila Bulletin, March 23, 2010 <http://www.mb.com.ph/articles/249168/abscbn-soap-operas-now-captivating-nonfilipinos-worldwide>

WEBSITES

Abs-cbnNEWS.com, “Angel Locsin, ‘Kahit Isang Saglit’ bag Emmy Nomination” 2010 < http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/10/05/09/angel-locsin-kahit-isang-saglit-bag-international-emmy-nominations>
Tauro, Janet Hope C. “Telenovela, Anime Transform Landscape of Philippine TV”. National Commission for Culture and the Arts. 2003. NCCA. <http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?i=75&subcat=13>

AGB Nielsen <http://agbnielsen.com>
International Academy of Television Arts and Sciences < http://www.iemmys.tv/>
TNS <http://tnsglobal.com>
TV Tropes <http://tvtropes.org>
Wikipedia <http//wikipedia.org>

PS
Ang haba no? May quiz! Bwahaha. charot.
I believe kailangan din naman makita ang merit ng soap opera at yun nga kung wala ang mga nasabing plot clichés hindi na siya soap opera. Pero maganda rin na napag-uusapan din ito sana sa mas malalim na talakayan. I guess it’s a matter of perspective. Kaya nga nasa atin ang remote, if we think this is dumbing us down why bother watch it? At I guess it boils down talaga na dapat aware na ang soap opera ay isang genre at may formula at themes na nakapaloob dito just like meet-cute in a romcom, hero’s journey sa fantasy and adventure at kung anu-ano pang terms na pwede kong sabihin para magmukha akong smart ass. Haha. Charot. Magkakatalo na lang talaga kung paano nilahad ang kuwento. Maganda ba ito o pangit? At yeah you can’t judge a soap opera by an isang eksena! I thank you. 🙂